Dakila Ka Inay
Ni: Orlando Abon
Sa aking isipan ay nanghihinayang,
panahong kaytagal na di namalayan,
Aking nalimutan ang mga pangaral
at pinaghirapan nang mahal kong Inay.
Kan’yang inigatan sa sinapupunan
di pa nasilayan ay kinasabikan,
Maaring hantungan di kinatakutan
ang aking pagsilang maging kamatayan.
Hirap na tiniis ngayon aking batid,
luha at hinagpis na di ko napahid.
Yakap na mahigpit nang kanyang pag-ibig,
sa tuwa niya’t galit ako’y nasasabik.
Aking ala-ala pantulog na kanta,
sa’kin ang halik n’ya lamang pa kay Ama.
Tanging mahalaga laging nauuna,
ako ang maganda at wala ng iba.
Masuyo’t malambing maalalahanin,
ang tingin sa akin isang babasagin.
Lahat ay gagawin hindi man pansinin,
palagi na hiling ako’y makapiling.
Mga kagustuhan kanyang ibinigay,
aking kahilingan walang tinanggihan.
Nagawang pagtakpan maging kasalanan
sa gipit kong lagay hindi iniwanan.
Ngayon aking dasal sana’y magampanan,
magawang pantayan kan’yang pagmamahal.
Sa’king pagluluwal nang anak kong mahal,
siya pa rin ang sigaw “Dakila Ka Inay”.
jsbraza/iligan
Comments